Olongapo Subic Volunteers

Thursday, August 11, 2005

Feeding program inilunsad sa Gapo

OLONGAPO CITY — Tinatayang aabot sa 200 mag-aaral na naninirahan sa isang depressed area sa bahagi ng La Union St., Barangay Barreto sa lungsod na ito ang nabiyayaan ng libreng pagkain at relief goods na bahagi ng programang inilunsad ni Olongapo City Vice Mayor Rolen Paulino.

Personal na pinangunahan nina Vice Mayor Paulino at Councilor Atty. Noel Atienza, ang nabanggit na programa sa mga kabataang na layuning makatulong sa mga maralitang pamilya sa naturang lugar.

Napag-alaman pa sa naturang bise alkalde na ilan sa mga magulang nila ay namumulot lamang ng basura at ang ilan naman ay taga-kolekta ng basura ng Environment Sanitary Management Office (ESMO).

Kabilang sa mga pagkain na kanilang isinusuplay sa mga kabataan ay nilutong arozcaldo, champorado, goto at tinapay na sapat para sa kalahating-araw na pagkain sa may 200 kabataan na pumipila.

Inamin ni Vice Mayor Paulino na minsan ay nahihirapan silang suplayan ang pagpapakain sa mga kabataan dahil wala anyang sapat na pondo at iginiit na kulang sa suporta mula sa lokal na pamahalaang lungsod ang nasabing programa, kung kaya’t sa sarili nilang bulsa nanggagaling ang panggastos sa nasabing programa. (Ulat ni Jeff Tombado)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home