Kahinaan ng batas ang susi ng mga sindikato ng cybersex
BAHALA SI TULFO Ni Ben Tulfo Ang Pilipino STAR Ngayon
MAGING si Sen. Manny Villar, aminado na hirap makahabol ang mga awtoridad sa mga sindikatong nasa likod nang malaganap na cybersex.
Sa panayam ng programang Bahala si Tulfo live sa UNTV 37, sinabi ni Sen. Villar na kinakailangang sumabay ang mga awtoridad sa mabilis na pagbabago ng teknolohiyang ginagamit ng mga sindikatong nagpapatakbo ng mga cybersex den ‘di lamang sa Maynila kundi maging sa mga malalayong probinsya.
Ilang operasyon na rin ang ating nasaksihan sa mga balita sa telebisyon maging sa mga pahayagan. Lumalabas, photo ops lamang ito para sa ilang pulitikong matakaw sa publisidad.
Pagkatapos ng engrandeng raid na kanilang ipinagmamalaki, agad din namang napapawalang sala ang mga nahuling sangkot sa cybersex.
Ang siste, wala naman kasing matibay na batas laban sa cybersex. Maging ang ilang mga mambabatas at mga abogado, hindi alam kung alin bang batas ang sumasaklaw sa cybersex.
Kaya naman kahit ilang beses manghuli ang mga awtoridad, balewala lamang ito at pagtatawanan lang sila ng mga sindikato.
Maging ang mga kababaihang sangkot sa industriya ng cybersex alam ang ugat ng lahat. Maging sila, alam ang kanilang karapatan at hindi tutol sa industriyang ito dahil kumikita sila nang malaki.
Maituturo sa kahirapan ang problemang ito. Kapag naitaas ang antas ng pamumuhay sa ating bansa, maaari ring bumaba ang kaso ng mga batang kababaihang kumakapit sa industriya ng cybersex.
Hindi natin dapat ikatuwa ang mga ranking na nangyayari kung saan nasa itaas ang Pilipinas. Agarang solusyon ang kinakailangan bago tuluyang bansagan ang Pilipinas bilang cybersex capital ng mundo.
Hotline numbers para sa mga tips o anumang uring katiwalian, i-text (0918) 9346417 o tumawag sa mga numerong ito 932-8919 / 932-5310. Bahala si Tulfo 9:00-10:30 a.m., UNTV 37, simulcast sa DZME 1530 kHz 9-10:00 a.m.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home