Olongapo Subic Volunteers

Friday, February 24, 2006

Gaano kaligtas ang mamamayan sa paglabas ng kanilang tahanan?

EDITORYAL - Ang Pilipino STAR Ngayon 02/24/2006

SA isang isinagawang survey isang taon na ang nakararaan, marami ang nagsabing natatakot na silang lumabas ng kanilang bahay pagkagat ng dilim. Iyan ay dahil sa lumalalang krimen. Delikadong maholdap, makidnap, ma-rape, mahablutan ng kuwintas, cell phone at iba pa. Kung magsusurvey muli baka ganyan din ang maging resulta. Mas marami ang nais na manatili na lamang sa bahay kaysa mabiktima ng mga halang ang kaluluwa. Ang isang kakatwa, kahit mismo sa sariling bahay ay hindi rin naman masasabing ligtas. Maaaring umatake ang Akyat Bahay Gang o iba pang grupo ng mga magnanakaw at limasin ang ari-arian. Ang mas nakatatakot, ay kung matapos pagnakawan ay patayin pa ang may-ari ng bahay.

Sa mga nangyayaring krimen lalo na sa Metro Manila, malakas naman ang loob na sabihin ng mga awtoridad na mababa ang crime rate. Paano nila nasabing mababa ang krimen gayong sunud-sunod ang mga panghoholdap sa mga pampasaherong jeepney, bus at FX. Kamakailan, isang armory ng pribadong security agency ang pinasok ng mga kalalakihan at tinangay ang 35 M-16 rifles, 15 shotguns at 15 bulletproof vests. Noong isang araw, hinoldap ng dalawang naka-motorsiklo ang accountant ng kompanya na may dalang pangsuweldo sa mga empleado. Natangay ang milyong piso.

Ang kinatatakutan ngayon ay ang sunod-sunod na pangka-carjack. Isang buwan na ang nakararaan, isang lalaking nursing student ang inagawan ng kanyang van habang naghihintay sa babaing kapatid na nasa loob ng isang 24-hour store. Tinutukan ang nursing student at nang ayaw ibigay ang sasakyan, binaril siya. Bumulagta ang estudyante. Lumabas sa store ang kapatid at nakita ang duguang kapatid na nakahandusay at duguan. Isinugod sa ospital pero patay na nang idating doon.

Nakapangangamba ang ganitong nangyayari. Saan pa nga bang lugar dapat magpunta ang mamamayan para matiyak na siya ay ligtas? Maski ang pagkalat ng mga illegal na droga (mayroon pang "shabu tiangge") ay walang puknat sa pagdami.

Ang pagkalat ng mga baril na ginagamit sa paggawa ng krimen ay nararapat masugpo ng mga awtoridad. Bakit hindi matiktikan ng pulisya kung saan nanggagaling ang mga baril?

Malaking hamon sa awtoridad ang mga nangyayaring krimen. Bigyang kapanatagan ang isipan ng mamamayan kapag lalabas sila ng kanilang tahanan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home