Ang pinakamalaking pinanggagalingan ng smuggled goods ay ang ilang tinatawag na free port zone, lalo na ang Subic, Clark at Batangas. Sa ibang bansa lalo na ang Taiwan na ilang beses kong napuntahan, ang duty free imports ay limitado sa mga makinarya, raw materials at iba pang sangkap na kailangan sa pagbuo ng isang produkto. Iba naman ang sistema natin. Halos lahat na lang puwedeng ma-import para sa special economic zone. Dosenang container ay dumadaong sa pier ng Subic na may kargang manok, sigarilyo, alak, de-lata, prutas at marami pang iba. Syempre sang-ayon sa batas, kung ilalabas ang mga kargamento sa Subic, kailangang bayaran lahat ang buwis sa customs. Wala naman yatang nagbabayad. Kung walang intension na gamitin ang mga special economic zone para sa smuggling, dapat ang duty at tax free import ay limitado sa makinarya at iba pa tulad ng Taiwan. Hindi ba kayo nagtataka? Ang bumibili ng mga produkto na pinaraan sa Subic at ilan pang special economic zone ay nasa Metro Manila at iba pang karatig na siyudad at lalawigan. Para makatipid sa gastos, di ba dapat sa South Harbor na lang ng Maynila paraanin ang mga produkto na di naman kailangan sa special economic zone. Hindi ito ang nangyayari dahil mas madali raw umareglo sa special economic zone. Alam na ninyo ang ibig kong sabihin. Sa Subic, sa pagkaalam ko, si Gen. Jose Calimlim ang nagbibigay ng permit para maka-import ng duty free. Bakit kaya inaaprubahan ng heneral na dating pinuno ng Presidential Security Group nina Pangulong Fidel Ramos at Pangulong Joseph Estrada ang importasyon ng sigarilyo, alak, manok, de-lata, gulay, prutas at marami pang iba? Alam naman niya na hindi makokonsumo ang mga produktong ito sa loob ng Subic. At alam din naman niya na kung ilalabas sa Subic, kailangan magbayad ng duty at iba pang taxes. Dapat sana, sabihan ang mga importer ng lahat ng produktong hindi kailangan ng mga kumpanya sa Subic, na sa South Harbor na lang paraanin. Huwag sa Subic dahil baka nga malusutan. Pero tuloy ang ligaya. Habang ganito ang nangyayari, hindi mahihinto ang smuggling at kurakutan. Ang nakapagtataka ay kung bakit hindi pa naiisip ni Pangulong Arroyo hanggang ngayon na mag-isyu ng isang Executive Order na nagbabawal sa importasyon ng anumang bagay na walang kinalaman sa paggawa ng produkto. Dahil ayaw niyang kumilos, para ka tuloy naghihinala na alam niya ang tunay na utak ng mga smuggler. At may proteksyon daw sa kanya. Habang ang mga special economic zone ay pinagdaraanan ng mga produktong nabanggit ko na, hindi mahihinto ang smuggling. Kaya naman sa kabila ng pangako na mabibitay ang mga smuggler dahil sa kasalanang economic sabotage, wala isa man na nadedemanda. Akala ng Pangulo tagumpay ang kanyang media blitz. Naku, hindi po. Ang inaasahan ng mga tao ay kamay na bakal sa mga criminal, lalo na ang mga smuggler. Inaasahan din ng mga tao na ang Pangulo ang gumawa ng desisyon na hindi popular pero makakabuti sa bayan. Ang isa nga sa maraming dapat gawin ay ipagbawal ang mag-import ng consumer goods sa special economic zone. Ayaw naman gawin. Iyan tuloy ang resulta. Puro problema sa pulitika habang patuloy na naghihirap ang bayan. Sasabihin pa na handa na raw "lumipad" ang ekonomiya kaya lang kailangang palitan ang presidential system sa parliamentary. Palusot. Sino ba ang nagpagulo sa pulitika? Di ba siya rin? Nang-agaw ng poder. Pagkatapos kumandidato at nanalo. Ngayon may bintang na dinaya raw si Fernando Poe. Samantala, tuloy ang ligaya ng mga smuggler.
|
0 Comments:
Post a Comment
<< Home